sa pagguho ng moog…
gusto kong magsulat pero sa dami ng mga salitang nag-uunahan sa utak ko wala akong maisulat, hindi ko alam kung paano ako magsisimula… bahala na, naniniwala naman ako sa tuluyan at malayang daloy ng isipan katugma ng damdamin…
madalas kong marinig, sa tuwing magwawakas ang isang relasyon, mas nasasaktan ang taong iniwan dahil sya ang unti-unting pupulot ng mga pira-pirasong bahagi ng kanyang pagkatao dahil higit syang nasaktan sa paghihiwalay at sýa ang higit na nagdaramdam sa epekto ng paghihiwalay ngunit… kapag nandoon ka sa sitwasyong yon, mapagtatanto mo na mali sila, hindi dahil sa ikaw ang tumapos ng relasyon ay hindi ka masasaktan o hindi ka iiyak. isang matagal na proseso ang makakapagpapasya sa isang tao na tapusin na ang isang relasyong binuo rin ng kung ilang panahon; mahirap putulin ang isang relasyong pinagbuhusan mo ng panahon dahil sabay kayong humabi ng mga pangarap, sabay na hinarap ang mga problemang pumanday sa tibay ng inyong pagsasama ngunit, dumadating din pala sa puntong kahit gusto mo pang ipagpatuloy ang paglalakbay ng magkasama, isang bahagi ng pagkatao mo ang tumututol na ipagpatuloy pa ito; hindi sapat ang pagmamahal para maipagpatuloy ang paglalakbay ng magkasama; na higit pagsandal sa mga balikat nýa kailangan mo ng katiyakan na kahit anong mangyari magkasama nyo haharapin ang mga pagsubok…na higit sa paghawak nya sa mga kamay mo, mas importante na magkatagpo ang inyong mga puso… na higit sa pagtayo ng palasyo sa alapaap mas kailangan na maunawaan nyo ang bawat isa.
ngunit paano kung ang pag-ibig na nagsisilbing moog na kanlungan ng inyong relasyon ay unti-unting gumuguho na, na dahil sa pinasama-samang mga elemento ay tuluyan na itong bumagsak.
ang sabi nila, ang pag-ibig daw ay katulad ng damong ligaw, kusang nabubuhay sa iba’t ibang lugar; sa batuhan man o sa kaparangan, natatagalan ang ano mang uri ng panahon… ganito ang pag-ibig na tunay at wagas…